Posted by: ilayaonline | August 10, 2008

muli, isa pang blog

mas madali itong tandaan:

http://ilayailaya.wordpress.com

:)

Posted by: ilayaonline | June 16, 2008

Mga Aral at Danas sa Palawan

BAGO MAG-UMPISA nun ang Marimar (ang una kong sabak sa mundo ng telenovela, mainit-init pa ako galing pelikulang Paano Kita Iibigin), napagkwentuhan namin nina Direk Joyce at Ayrin ang usapang sweldo sa TV. Kumpara daw sa pelikula na buhay-isang kahig, isang tuka, sa TV, isang taping day, maraming tuka na, with savings pa, pero with eyebags. Sinabihan kami ni Direk: “Sa sweldo nyo, magtira kayo ha. Para pagkatapos ng Marimar, mag-bakasyon naman tayo. San nyo gusto? Palawan?” Sa walong buwan ng sobrang saya at pagod sa Marimar, nakalimutan na yata namin ang usapang bakasyon na yon. Isang buwan pagkatapos ng Marimar, dumating si Dyesebel. Out-of-town daw ishu-shoot ang pilot week. Sa Palawan.

Iba ang langit pag gabi sa Palawan. Ang dami-dami-dami-daming stars. Parang may mga stars na sa Palawan lang makikita, na siguro sa ganda ng Coron, dinecide na nilang magiging local na sila. (Sana lang hindi sila parte ng isang constellation, kundi kulang na ang Big Dipper o ang Cassiopeia pag sa Maynila tinignan.) Sa Maynila, kung patient ka lang at maraming panahon, para kasing pwede mong mabilang ang mga stars; pero sa Palawan, hinding-hindi mo mabibilang. Tinitignan mo pa lang, suko ka na. Kung may magsabi mang 765,267,987,970 ang stars sa gabi sa Palawan, fine, oo na. Patient na siya at magaling sa math.

Naglatag kami ng banig malapit sa dagat (yong tamang layo lang mula sa tubig na kahit mag-high tide habang natutulog kami, hindi kami magigising sa gitna ng Pacific Ocean) at humiga. Pagtingin ko sa taas, biglang may isang bulalakaw. Natigilan ako. Bulalakaw, syet. Sa unang pagkakataon sa loob ng 24 taon, nakakita ako ng falling star. Syet. At hindi ako nakapag-wish. Argh. Habang nakikikanta ng Eheads sa mga nag-iinuman sa likod, tumingin uli ako sa taas, at biglang may bulalakaw na naman. Yon ang second time kong makakita ng falling star. At hindi na naman ako nakapag-wish. Sa pangatlong pagkakataon, pagtingin ko sa langit, ayun na naman, may falling star na naman. At isa pa. At dahil consistent ako, syempre, hindi na naman ako nakapag-wish. Nalaman ko ang totoong ibig sabihin at pakiramdam ng starstruck. Hindi ito showbiz.

Pauwi na kami non mula sa pagkuha ng mga eksena sa Cayangan Lake. Yung bangkang sinakyan ko e yung bangka ng mga artista at ng mga boss. Dun ako umupo sa bandang ulo ng bangka, malapit kay bangkero, at nahiga. Ang tubig-dagat, isang piye lang ang layo mula sa ulo ko; ang langit, hindi ko alam kung gaano kalayo by feet, pero ang ganda-ganda-ganda. Na nasa gitna ako ng dagat, at napapagitnaan ng malawak na dagat at magandang langit. Na kahit maingay ang motor ng bangka at ang mga taong nagtsi-tsikahan, ang tahimik ng pakiramdam. Nakakapagpangiti. Nakakapagpa-wow na pabulong. Nalaman ko ang totoong ibig sabihin at pakiramdam ng payapa. Hindi ito showbiz.

Sa Palawan, hindi ko kinalimutang mag-enjoy at mag-ipon ng maraming first time: lumangoy sa malalim na open water nang walang lifevest, si Kuya Boyet lang na naka-alalay sa tabi; mag-kayak, at sa open water pa; at makakita ng magagandang corals at isda na sa Finding Nemo ko lang nakikita dati. At oo, makakita ng falling star at hindi makapag-wish. (Hindi pa rin over.)

Nung huling gabi namin sa Coron (tapos na ang shooting at trabaho), wala nang mga artista at mga boss; mga staff na lang at crew na pagod na pagod pero gustong sumulit ng saya. Edi nag-inuman kami. Nagpapalaki ng beer belly sa pag-inom ng libreng San Mig at Granma at ng simpleng belly lang sa pagkain ng masarap ng calamares at iba pang pulutang Palawan, habang nagtatawanan, nagkukwentuhan at nagkakantahan ng lumang Eheads. Tumingin ako sa paligid–ito ang mga taong makakasama ko mula umaga hanggang kinaumagahan sa loob ng at least tatlong buwan–buti naman, marunong lahat mag-dis is da layp. Nalaman ko na masarap talaga ang libre, at ang ibig sabihin ng dalhin nyo ko sa banyo. Ibig sabihin, lasing na ako.

Kapag nalulungkot ako, ang sarap alalahanin ng Palawan. Nandun siya sa sulok ng utak ko kung nasan ang memory ko nung nanood ako ng concert ng APO kasama si Glenn, nung unang comment ni Ma’am Anne sa unang short film ko pati nung nabasa ko yung pinakamaikli pero pinakamasarap na email nya, nung nag-bidyoke kami sa Music21 pagkatapos ng Marimar Christmas Party na parang wala nang bukas, nung nagbi-breakfast kami sa Jollibee Philcoa bago ang 8:30am na film class sa UP. Kung san rin nandon ang wish kong naghihintay pa rin ng falling star na mapapagsabihan.#

Posted by: ilayaonline | May 23, 2008

Mid-life

SA EDAD NA 24, may mid-life crisis na yata ako. Oo, mid-life, hindi quarter-life. Sa hindi maipaliwanag na pagka-lungkot at pagka-irita sa buhay at sa mga buhay, isama pa ang epekto ng global waming at ng mga taxi driver na namimili ng isasakay na pasahero, malamang patay na ako by 50.

Buti na lang hindi ako nagyoyosi, kundi baka patay na ko by now.

Ang problema sa mid-life crisis e hindi ito napapa-CT scan para malaman kung malignant ba o benign, o simpleng pag-iinarte lang. Na sakaling “simpleng pag-iinarte lang” ang diagnosis, tsk, sayang ang perang pinang-CT scanOne year supply sana yun ng perang pambayad sa mga hayup na taxi driver na humihingi ng dagdag dahil “trafiic sa EDSA”.

Ayoko pa naman ng mga hindi na teenager na nagpapaka-emo pa rin kahit hindi na bagay sa kanila ang eyeliner at pre-K-Fed-Britney pink-kamatayan black na color combination habang may Typecast na background music. Na kahit ilang taon nang nagtatrabaho e hindi pa rin sanay sa parang unwritten rule na sa bawat kumpanya, dapat may at least isang ka-trabahong unprofessional at at least isang masarap gilitan sa leeg at at least isang mataas ang katungkulan na unprofessional pero hindi mo pwedeng gilitan ng leeg kundi wala kang kinsenas. Na hindi pa rin maintindihan ang konsepto ni Rizal ng “masamang kailangan” sa totoong mundo, kung hindi, edi heaven na yun.

E 24 pa lang ako, ayoko pang mapunta sa heaven. Lalo’t hindi ko pa nakukuha ang sweldo ko.

Sa ngayon, siguro’y kailangan ko lang huminga uli. Hindi yung hinga na inhale, exhale habang nag-eexercise dahil tumataba ka na daw at malaki na ang tiyan. Hindi yung hinga na buntung-hininga dahil sumuko ka na sa pagpapasensya na kapag pumikit ka pa ay malamang may kasama nang luha. Hindi yung hinga na hingal-aso dahil sobrang pagod ka na na kahit uminom ka ng ice-cold water ay parang wala pa ring ice.

Kundi yung hinga na hinga lang.

Na walang pag-aalinlangan sa sasabihin ng iba. Na hindi sumusuko at nagpapatuloy lang, dahil trabaho lang ito. Na kahit sobrang pagod ay napapangiti pa rin dahil masaya naman talaga, nakakalimot lang.

Parang dati.

Parang ganito.##

Posted by: ilayaonline | May 8, 2008

Panaginip

NAKWENTO KO, nanaginip ako. Nagka-baby daw ako, kalong-kalong ko. Lalaki, ang kyut-kyut. Mapula ang pisngi. Pero hindi ko alam kung sino yung tatay. Basta ang alam ko, hindi ikaw. Tinanong ako kung ano ang ipapangalan ko. Dahil hindi nga ikaw ang tatay, sabi ko, hindi ko papangalanan hango sayo. Pinangalanan ko siyang Awit.

Nakwento ko na ba na lagi akong nananaginip na lumilipad ako? sabi niya. Pero yung paglipad ko, parang hirap na hirap; parang pagong na pumipilit lumipad. Tapos pinorma niya yung mga daliri niya na parang isang taong lumilipad na hirap na hirap. Ano kaya ang ibig sabihin nun? sabi niya. Hindi ko alam, sabi ko, pero at least, lumilipad ka sa panaginip mo. Pero hirap naman lumipad, paglinaw niya.

Ang dami kong mga wirdong panaginip. Sana pala sinusulat ko pagkagising ko, sabi ko. Nakakalimutan ko agad e.

May sinabi nga pala sa’kin dati si ES, na-research nya yata nung nagsusulat pa kayo para sa kumpanya nyo dati. Sabi niya, we only dream of people we’ve met. The brain doesn’t invent faces. With all the people we’ve met, the mind has a huge resource pool. Tumango siya; alam nga daw niya yun.

May ikukwento ako sa’yong panaginip, ngayon ko lang sasabihin ‘to sa’yo ha, sabi niya. May napanaginipan ako dating-dating pa, isang babae. Kamukha mo. Morena din, parang ikaw, pero parang medyo mas maitim kesa sayo. Parang mulata. Nakatali ang buhok. Ang hindi ko maalala e kung may nunal din siya sa bibig, pero ang pinaka-prominent na naaalala ko ay yung mga mata niya. Kamukhang-kamukha nung iyo. Tapos nakatayo siya sa isang bahay na kulay puti, tapos ang ganda ng pagkatama ng sinag ng araw sa kanya.

Kelan pa yan? tanong ko. High school pa. Tapos naalala ko, pagkagising ko, parang nalungkot ako. Parang yung pakiramdam ko, gusto ko siyang makita uli.

Recently ko lang na-realize, na ikaw pala yun.##

Posted by: ilayaonline | May 7, 2008

Fresh Grad

Bos, Para Po sa Real World*

“I like dead end signs. I think they’re kind. They at least give the decency to let you know you’re going nowhere.”
–Bugs Bunny

TSK, HINDI PA naman uso sa Makati ang dead end signs.Pagka-graduate ko mula sa college, kasama ng aking invisible diploma ang pag-asang kusang nabuo sa loob ng unibersidad. Na gagawin ko ang gusto kong gawin. Na kikita ako ng malaki kada buwan. Na magiging direktor ako ng pelikula. Na hindi ako kakain ng pride at prinsipyo. Na babaguhin ko ang mundo. Tapos, hindi pa ako nakaka-tatlong buwan, parang biglang may bumatok na agad sa’kin.             

Bugs Bunny, ikaw ba yan? Medyo masakit a.

Ladies and gentlemen, iyan ang idealismong lasang fresh grad. Mapait.

Ang panghimagas, disillusionment. Hindi matamis.Dati, pawang konsepto lamang si Real World. Napag-uusapan, nasuusulat, nababasa, pero hindi ko pa talaga nakikita. Parang isang sikat na artista na mailap sa media. May tsismis nang malupit nga daw siya sa personal. Pero sus, walang malupit na konsepto sa isang optimistic na fresh grad.

Hindi pa man ako nag-papa-autograph sa kanya, nalaman ko na agad: Walang optimistic na fresh grad sa isang malupit na konseptong nag-anyong tao na.

Baka naman na-starstruck lang ako. O di kaya, sa bilis ng transition mula kolehiyo pa-Real World, inatake ako ng biyahilo. At walang malapit na Bonamine. Pero sabagay, sino ba naman ang napadpad sa Real World nang handang-handa? Nang hindi nasindak? Nang hindi nanibago? Nang hindi muntik na’ng umayaw? Uso nga siguro yan ngayon—ang mga fresh grad na nabigla sa Real World. Sa totoo lang, hanggang may mga fresh grad na hitik sa idealismo, hindi yun mawawala sa uso. Classic.

Buti na lang.

Dahil sa loob ng Real World na talamak ang inggit, gulangan, siraan at oo, mediocrity, masaya pa ring isiping may bagong dating na kinang na hindi pa nahahawa sa star complex ni Real World. Hindi lang basta glossy shine. Fresh grad shine.

Kaya siguro hindi dumidilim sa Makati, lalo na sa bawat pagtatapos ng semestre. Pero kung kailan pupundido ang kislap na yun, hindi ko alam. Sa ngayon, maraming fresh grads ang nabukulan sa pagkauntog sa biyahe pa-Real World. Na naguguluhan kung iyon na ang trabahong gusto niyang panindigan (na ikukonsulta kay Pangarap o Prinsipyo). Na inaakalang napunta sila sa isang madilim na dead end na walang dead end sign. Na kung saan ang tanging ilaw ay mula sa sarili at lumalamlam pa. Tsk, e hindi naman pwedeng sisihin ang Meralco.

Napakabata pa ng fresh grad para maging cynical na agad sa mundo. Oo’t na-disillusion nga, pero para saan pang naging fresh grad kung hindi innate ang pagiging optimistic? Sigurado ako, habang ang isang kamay ay nakapangalumbaba, ang kabilang kamay naman ay mahigpit pa rin ang hawak sa isang supot ng pangarap at idealismo. 

Huwag lang mabubutas. ##

*originally written on November 17, 2006 at http://directed-by-ilaya.blogspot.com

Posted by: ilayaonline | April 7, 2008

Legitimate Blog Entry

YOU KNOW how it feels when someone you love and trust makes you feel guilty for doing something wrong, but later on, you realize that you were right all along?

It makes you rhyme.

It makes you feel really bad and really angry. It makes you feel used. It makes you laugh–at yourself, but especially at him, because he thinks you still have no idea.

Most of all, it makes you write a blog entry in straight English without any punchlines in Filipino.#

Posted by: ilayaonline | March 22, 2008

Swimming lessons

 

GRADE 1 AKO nung nag-swimming lessons ako sa Milo Sports Clinic sa Ultra (na ngayo’y Philsports Arena). Hindi ako natutong mag-swimming. Pagkalipas ng anim na taon, habang nagtatampisaw ako sa isang 7-ft deep na swimming pool sa Laguna, muntik na akong malunod nung dumulas sa kamay ko ang gamit kong salbabida. Doon ako unang natutong mag-swimming. (Hindi ko na maalala kung freestyle ba yun o bobbing. Ang naaalala ko lang ay tubig at madaming bubbles sa mukha ko. Buti na lang wala pang liwanag mula sa tunnel.) May mga bagay talaga na hindi kailangang ituro sayo para matutunan mo. Tulad ng kung gaano nakakahiyang malunod sa isang mababaw na swimming pool na may gamit na salbabida.

 

Grade 3 ako nung nag-singing lessons ako sa Center for Pop Music Philippines nung bumisita sila sa eskwelahan namin isang summer. Sabi ni Teacher, ang tamang pagkanta daw ay ang kumanta galing sa diaphragm, hindi galing sa throat. Kinanta ko nun yung The Greatest Love of All at My Favorite Things galing sa diaphragm; naabot ko naman. Pero pagkatapos ng labing-dalawang taon, kinanta ko ang Alone ni Heart, Luha ng Aegis at You Oughtta Know ni Alanis sa videoke galing sa ikabuturan ng broken heart at esophagus ko, at laging above 90 (You’re a Good Singer!) ang iskor ko. May mga kanta talagang dina-diaphragm, tino-throat at ini-esophagus. At may mga kantang iniiyak na lang, sabay next song please.

 

Read More…

Posted by: ilayaonline | March 14, 2008

Lakay Komiks #003

Posted by: ilayaonline | March 2, 2008

The (Older) People vs the Promil Kids*

ANG MGABATA NGA NAMAN ngayon, pa-talino na nang pa-talino. Sabagay, marami na rin kasing naimbentong gatas at food supplements na pampa-child prodigy at pampatangkad. Albert Einstein na, Michael Jordan pa.

Bilang na ang mga araw ng am.

At mas lalong bilang ang mga araw ng mga mommy na akalang nasa kanila ang final say.

* * *   

May nakatabi akong mommy na may makulit na anak sa isang mall. Sinasaway na pero sampa pa rin nang sampa sa gilid ng escalator. Syempre, si Mommy, napagod na sa kakasigaw.

Mommy (sa anak): “I said stop that! How many times did I tell you that already?!”

Tumingin sa kanya ang anak. Napatigil, sabay sabi: “Three.”

Tsk, mommy, nagtanong ka pa kasi e. At least, alam mong magaling siya sa Math.

Read More…

Posted by: ilayaonline | January 27, 2008

Love is the drug, and this too

I REALIZED that in 2007, I got so caught up with work (and all the drama that goes with it),  (non-work-related) drama, and “when was the last time you did something for the first time?” that I forgot to do that something that used to give me that cheap unexplainable high.

I did not make any short films in 2007. And just thinking about it frustrates me.

So tonight, I dare vow: I will make at least one short film every year. Pangit man o hindi.

Peksman. Hindi man ako maging studio contestant sa Wheel of Fortune.#

Older Posts »

Categories

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.