Posted by: ilayaonline | March 22, 2008

Swimming lessons

 

GRADE 1 AKO nung nag-swimming lessons ako sa Milo Sports Clinic sa Ultra (na ngayo’y Philsports Arena). Hindi ako natutong mag-swimming. Pagkalipas ng anim na taon, habang nagtatampisaw ako sa isang 7-ft deep na swimming pool sa Laguna, muntik na akong malunod nung dumulas sa kamay ko ang gamit kong salbabida. Doon ako unang natutong mag-swimming. (Hindi ko na maalala kung freestyle ba yun o bobbing. Ang naaalala ko lang ay tubig at madaming bubbles sa mukha ko. Buti na lang wala pang liwanag mula sa tunnel.) May mga bagay talaga na hindi kailangang ituro sayo para matutunan mo. Tulad ng kung gaano nakakahiyang malunod sa isang mababaw na swimming pool na may gamit na salbabida.

 

Grade 3 ako nung nag-singing lessons ako sa Center for Pop Music Philippines nung bumisita sila sa eskwelahan namin isang summer. Sabi ni Teacher, ang tamang pagkanta daw ay ang kumanta galing sa diaphragm, hindi galing sa throat. Kinanta ko nun yung The Greatest Love of All at My Favorite Things galing sa diaphragm; naabot ko naman. Pero pagkatapos ng labing-dalawang taon, kinanta ko ang Alone ni Heart, Luha ng Aegis at You Oughtta Know ni Alanis sa videoke galing sa ikabuturan ng broken heart at esophagus ko, at laging above 90 (You’re a Good Singer!) ang iskor ko. May mga kanta talagang dina-diaphragm, tino-throat at ini-esophagus. At may mga kantang iniiyak na lang, sabay next song please.

 

Grade 4 ako nung sumali ako sa isang speed reading program sa eskwelahan ko. Tinuro doon ang trick kung paano maging mas mabilis magbasa at mas maalala ang binasa: kunwari daw ang hintuturo mo ay isang magic wand. Tuwing magbabasa, ilagay ang magic wand sa bawat linya ng libro. Kailangang sundan at habulin ng pagbasa ng mga mata ang paggalaw ng hintuturo sa bawat linya. Kaya habang bumibilis ang magic wand, bumibilis din ang pagbasa ng mga mata, at mas nare-retain ng utak ang mga salita. Nung hayskul, nagamit ko ang magic wand sa mga nobelang required, lalo na kapag ilang minuto na lang ay pagsusulit na sa Kabanata 23 pero wala pa akong nababasa ni isang salita (at wala pa ring nababasa ang seatmate ko). Ngayon, paborito kong libro ang The Missing Piece at Griffin and Sabine. Hindi ko sila ginamitan ng magic wand. Mga picture books sila. 

Grade 5 yata ako nung bumili kami ng Yamaha organ para sa sala namin. Gusto kasi ng kapatid ko matutong mag-piano. Dahil mas mahal ang piano, organ na lang ang binili namin, tapos ilagay na lang sa piano mode, o kaya trombone mode, o kaya piccolo mode. O kaya i-mute na lang. Napilitan tuloy akong mag-organ lessons para may kasama ang kapatid ko. Tatlong sessions pa lang yata ay nag-give up na ‘ko. Ngayon, napapanood ko ang kapatid kong magaling mag-piano. At si Ayn na magaling mag-piano. At si Alicia Keys na magaling mag-piano. At ako, na magaling mag-piano ng Mary Had A Little Lamb The Autistic Ballad Version. Minsan pala, kahit ayaw, baka gustuhin rin in the future. Hindi nga lang ako psychic.

 

Grade 6 ako nung napadaan kami ni Mama sa isang maliit na stall sa Robinson’s Galleria. May isang mama na nag-do-drowing ng mukha ng isang artista. Pagbalik namin, nag-enroll ako sa kanya ng charcoal painting. Pagkatapos ng anim na sessions, naipinta ko ang kapatid at pinsan ko. At hindi lang yun, kamukha pa nila. (Nakasabit ngayon sa bahay; hindi na nila kamukha ngayon.) Ngayon, hindi na ako marunong mag-charcoal painting. May mga bagay talaga na makakalimutan mo kahit gusto mo mang maalala uli, at may mga bagay na maaalala mo kahit kailan, kahit ayaw mo nang alalahanin. Hay, kung nama-magic wand lang ang charcoal painting, o.

 

Grade 6 din ako nung kumuha ako ng art classes sa 5th level ng Megamall. Sasali kasi ako sa isang On-the-Spot Poster-Making Contest sa Health Week sa Pasig (na ang tema yata ay “Para sa wastong timbang at kalusugan, gulay, prutas at gatas ang kailangan.”); ako ang representative ng eskwelahan ko. Hindi kasi ako confident sa istilo ko ng pag-drowing gamit ang Sakura craypas: malalaki ang mukha ng mga tao, malalaki ang mata, kulay dilaw ang balat at kulay asul ang buhok. Dun sa art classes, pinag-drowing ako ng agila na maliit ang mga mata at sobrang tulis ng mga kuko. Gamit ko ay Staedler na lapis (na may pamburang rubber clay; yun daw ang gamit ng mga artist). Dalawang sessions yata ang ginugol ko sa pag-perpekto nung bwakanangsyet na agila na yun. Sa kontes, wala akong ni anino ng agila na dinrowing. Ganun pa rin ang ginuhit ko sa poster: malalaki ang ulo, malalaki ang mata, kulay dilaw ang balat at kulay asul ang buhok. Tapos may malaking timbangan, prutas at gatas. Na may malalaking mukha at malalaking mata. Nung in-announce na ang winners, second prize ako. Na may kalakip na trophy, P500 at confidence na papasa rin pala akong artistic kahit hindi matulis ang kuko ng agila ko. O baka malaki lang ang mukha at mga mata nung judges.

 

Third year college ako nung kumuha ako ng basic guitar lessons sa Yamaha sa Megamall. Marunong naman akong mag-gitara, pero kapag may bar at pag-ipit na ng ibang strings, hindi na ako marunong. Gusto kong maging magaling mag-gitara. Gusto kong makatugtog ng ibang chords bukod sa D, A, G, C at Bm. Sa Yamaha, tinuro sa akin ang iba’t ibang paraan ng pag­-­tipa, mga lumang instrumental na kanta, at kung ano’ng chords ang katumbas ng bawat string sa bawat fret. Ngayon, wala na akong maalala sa mga yun, pero saulo ko pa rin ang chords ng Line to Heaven kahit nakapikit. Kahit kailan, ang pinakamagaling na guro talaga ay experience. At Jingle Magazine.

 

Apat na taon matapos kong kunin ang pinakahuli kong lessons, hindi pa rin ako nadala sa pagkamalas ko sa pagkuha ng mga ganun. Gusto ko pa rin kumuha ng pottery classes kay Ugu Bigyan sa Tiaong, ng glassblowing classes sa Katipunan, ng painting classes sa Vargas Museum, at kahit ng streetdance classes sa kung saang dance studio. May mga bagay na kailangang gustuhing matutunan para talagang matutunan. At ang maganda dun, kahit hindi mo man lubusang matutunan ang mga bagay na ginusto mong matutunan, siguradong may matutunan ka pa ring ibang mga bagay.

 

Tulad ng it’s the thought that counts.#


Responses

  1. wow! na aliw ako hehe


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: