Posted by: ilayaonline | June 16, 2008

Mga Aral at Danas sa Palawan

BAGO MAG-UMPISA nun ang Marimar (ang una kong sabak sa mundo ng telenovela, mainit-init pa ako galing pelikulang Paano Kita Iibigin), napagkwentuhan namin nina Direk Joyce at Ayrin ang usapang sweldo sa TV. Kumpara daw sa pelikula na buhay-isang kahig, isang tuka, sa TV, isang taping day, maraming tuka na, with savings pa, pero with eyebags. Sinabihan kami ni Direk: “Sa sweldo nyo, magtira kayo ha. Para pagkatapos ng Marimar, mag-bakasyon naman tayo. San nyo gusto? Palawan?” Sa walong buwan ng sobrang saya at pagod sa Marimar, nakalimutan na yata namin ang usapang bakasyon na yon. Isang buwan pagkatapos ng Marimar, dumating si Dyesebel. Out-of-town daw ishu-shoot ang pilot week. Sa Palawan.

Iba ang langit pag gabi sa Palawan. Ang dami-dami-dami-daming stars. Parang may mga stars na sa Palawan lang makikita, na siguro sa ganda ng Coron, dinecide na nilang magiging local na sila. (Sana lang hindi sila parte ng isang constellation, kundi kulang na ang Big Dipper o ang Cassiopeia pag sa Maynila tinignan.) Sa Maynila, kung patient ka lang at maraming panahon, para kasing pwede mong mabilang ang mga stars; pero sa Palawan, hinding-hindi mo mabibilang. Tinitignan mo pa lang, suko ka na. Kung may magsabi mang 765,267,987,970 ang stars sa gabi sa Palawan, fine, oo na. Patient na siya at magaling sa math.

Naglatag kami ng banig malapit sa dagat (yong tamang layo lang mula sa tubig na kahit mag-high tide habang natutulog kami, hindi kami magigising sa gitna ng Pacific Ocean) at humiga. Pagtingin ko sa taas, biglang may isang bulalakaw. Natigilan ako. Bulalakaw, syet. Sa unang pagkakataon sa loob ng 24 taon, nakakita ako ng falling star. Syet. At hindi ako nakapag-wish. Argh. Habang nakikikanta ng Eheads sa mga nag-iinuman sa likod, tumingin uli ako sa taas, at biglang may bulalakaw na naman. Yon ang second time kong makakita ng falling star. At hindi na naman ako nakapag-wish. Sa pangatlong pagkakataon, pagtingin ko sa langit, ayun na naman, may falling star na naman. At isa pa. At dahil consistent ako, syempre, hindi na naman ako nakapag-wish. Nalaman ko ang totoong ibig sabihin at pakiramdam ng starstruck. Hindi ito showbiz.

Pauwi na kami non mula sa pagkuha ng mga eksena sa Cayangan Lake. Yung bangkang sinakyan ko e yung bangka ng mga artista at ng mga boss. Dun ako umupo sa bandang ulo ng bangka, malapit kay bangkero, at nahiga. Ang tubig-dagat, isang piye lang ang layo mula sa ulo ko; ang langit, hindi ko alam kung gaano kalayo by feet, pero ang ganda-ganda-ganda. Na nasa gitna ako ng dagat, at napapagitnaan ng malawak na dagat at magandang langit. Na kahit maingay ang motor ng bangka at ang mga taong nagtsi-tsikahan, ang tahimik ng pakiramdam. Nakakapagpangiti. Nakakapagpa-wow na pabulong. Nalaman ko ang totoong ibig sabihin at pakiramdam ng payapa. Hindi ito showbiz.

Sa Palawan, hindi ko kinalimutang mag-enjoy at mag-ipon ng maraming first time: lumangoy sa malalim na open water nang walang lifevest, si Kuya Boyet lang na naka-alalay sa tabi; mag-kayak, at sa open water pa; at makakita ng magagandang corals at isda na sa Finding Nemo ko lang nakikita dati. At oo, makakita ng falling star at hindi makapag-wish. (Hindi pa rin over.)

Nung huling gabi namin sa Coron (tapos na ang shooting at trabaho), wala nang mga artista at mga boss; mga staff na lang at crew na pagod na pagod pero gustong sumulit ng saya. Edi nag-inuman kami. Nagpapalaki ng beer belly sa pag-inom ng libreng San Mig at Granma at ng simpleng belly lang sa pagkain ng masarap ng calamares at iba pang pulutang Palawan, habang nagtatawanan, nagkukwentuhan at nagkakantahan ng lumang Eheads. Tumingin ako sa paligid–ito ang mga taong makakasama ko mula umaga hanggang kinaumagahan sa loob ng at least tatlong buwan–buti naman, marunong lahat mag-dis is da layp. Nalaman ko na masarap talaga ang libre, at ang ibig sabihin ng dalhin nyo ko sa banyo. Ibig sabihin, lasing na ako.

Kapag nalulungkot ako, ang sarap alalahanin ng Palawan. Nandun siya sa sulok ng utak ko kung nasan ang memory ko nung nanood ako ng concert ng APO kasama si Glenn, nung unang comment ni Ma’am Anne sa unang short film ko pati nung nabasa ko yung pinakamaikli pero pinakamasarap na email nya, nung nag-bidyoke kami sa Music21 pagkatapos ng Marimar Christmas Party na parang wala nang bukas, nung nagbi-breakfast kami sa Jollibee Philcoa bago ang 8:30am na film class sa UP. Kung san rin nandon ang wish kong naghihintay pa rin ng falling star na mapapagsabihan.#


Responses

  1. Tonet, I shall link you?
    – person who sent format of a criminal complaint through text message to use in marimar and wants to remain anonymous (at least in the blogging world)

  2. hahahahaha of course!!! salamat uliiiiiiiiiiiiiiit

  3. […] nalulungkot ako, ang sarap balik-balikan ng Palawan, kung saan kami nag-taping ng pilot ng Dyesebel nung May. (Kung tatanungin siguro ako ng […]


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: